Cabrillos, 36 pang boxers pasok sa finals ng PSC Boxing Cup
Mandaue City, Philippines — Nagpakawala si Kim Bryan Cabrillos ng Cagayan de Oro ng malakas na left hook sa panga ni April Boy Lampitao ng Polomolok, South Cotabato para tapusin ang laban sa loob ng 25 segundo sa third round at pangunahan ang 36 batang boksingero papasok sa finals ng 2018 PSC Pacquiao Amateur Boxing Cup National Finals sa Mandaue Sports Complex dito.
Hindi na nakabangon si Lampitao matapos matamo ang malakas na suntok at agad dinala sa Chong Hua Hospital para sa medical check-up.
Dahil sa kanyang RSC-knockout win ay umusad ang 16-anyos na si Cabrillos sa finals ng Jr. Boys light bantamweight (52-kgs) laban kay Flint Jara ng Bago City na nagwagi naman kontra kay Jorin Varona ng La Carlota via RSC sa 36 segundo ng third round.
“Talagang pinaghandaan ko ito. Kabisado ko na kasi ang kalaban ko dahil nagtagpo na kami sa Mindanao semis noong Marso 3. Kaya alam kung mabigat na kalaban din siya,” sabi ni Cabrillos, isang Grade 10 student ng Macasaclang National High School.
Inaasahan ni Cabrillos, ang 2016 Palarong Pambansa bronze medalist, ang magandang laban kay Jara sa finals.
Ang panalo ni Cabrillos ay nagbigay ng inspirasyon sa walo pang boksingero ng CDO team ni coach Elmer Pamisa para pumasok sa finals kasunod ang Sultan Kudarat, Baguio City at Bago City na may tig-tatlo at tig-dalawa naman mula sa host Mandaue, Cebu City, Murcia, Negros Occidental, Camarines Sur at General Santos City.
May tig-isa ang La Carlota, Escalante, Negros Occ, Malungon, Aglayan, Tayabas, Polomolok at Kidapawan.
Nagwagi naman si Mariel Talandrata ng La Carlota laban kay Jessa Lycca Caranagan ng CDO, 3-2, (Jr. Girls lightflyweight).
- Latest