MANILA, Philippines — Sinorpresa ng Blackwater ang powerhouse San Miguel Beer nang ilusot nito ang 103-100 gitgitang panalo upang kubrahin ang kanilang ikalawang sunod na tagumpay kagabi sa PBA Season 43 Governors’ Cup sa Smart Araneta Coliseum.
Halos magtala ng triple-double si William Henry Walker nang bumira ito ng 35 puntos, 17 rebounds, pitong steals at limang assists para sa Elite na napanatiling malinis ang rekord taglay ang 2-0 marka.
Hindi solong binitbit ni Walker ang kanilang tropa dahil nakakuha ito ng sapat na suporta mula kay Michael Digregorio na umani ng 21 markers, tatlong rebounds at tatlong assists gayundin kay Nard John Pinto na nagdagdag ng 15 puntos, siyam na boards at pitong assists.
“What’s good there we were able to recover yung bini-build namin na character ng team nandun na. We will continue to practice in our long rest,” wika ni Blackwater head coach Bong Ramos.
Limang Beermen ang nagtala ng double figures sa pangunguna ni Arizona Reid na may 26 markers at 12 boards at Christian Standhardinger na umani ng 20 points.
Subalit kapos pa rin ito para mahulog ang Beermen sa 1-1 marka.
“Suwerte kami wala si Fajardo,” dagdag ni Ramos patungkol kay Beermen slotman June Mar Fajardo na nagpapagaling sa kanyang injury.
Sinubukan pa ng Beermen na maipuwersa ang overtime.
Ngunit nagmintis si Reid sa kanyang three-point attempt may walong segundo pa ang natitira bago nakuha ni Alex Cabagnot ang rebound at ipinasa kay Arwind Santos.
Isa pang sablay na tres ang ibinato ni Santos para tuluyang makuha ng Blackwater ang panalo.
Magkakaroon ng dalawang linggong pahinga ang PBA upang bigyang daan ang pagsabak ng Gilas Pilipinas sa FIBA World Cup qualifying tournament.
Magbabalik-aksiyon ang liga sa Setyembre 19. sa parehong venue.