Laban itinigil dahil sa Head Butt
JAKARTA — Bilang pinakahuling mandirigmang inaasahan ng Pinas na manalo ng gintong medalya, ibinigay lahat ng Olympian na si Rogen Ladon, naghatid ito ng isa pang silver medal para sa Pilipinas bago magsara ngayon ang 18th Asian Games.
Bagama’t ibinuhos lahat ni Ladon at lumaban ng patas, lumasap ito ng kontrobersiyal na kabiguan kontra kay Jasurbek Latipov ng Uzbekistan sa kanilang gold medal bout sa pagtatapos ng boxing competition sa Jakarta International Expo kahapon dahil sa headbutt.
Inihayag ang Referee Stopped Contest-Second Round ngunit ibinase ito sa scorecard ng mga judges na pabor sa Uzbek, 3-1.
Pumutok ang kanang kilay ni Ladon dahil sa head butt ni Latipov at idineklara ng ringside doctor na hindi na maaaring magpatuloy sa laban si Ladon.
Sa tingin ni Ladon at ng marami ay lamang siya sa first round kung saan nanalo sa points ang Uzbek sa tatlong judges at dalawa lang sa kanya.
“Siyempre na-dismaya ako na hindi man lang siya nakatama, mas marami pa tayong sinuntok na tinama sa kanya pero ganun pa rin yung tawag nila,” pahayag ni Ladon na may sugat sa taas ng kaliwang kilay, “Masama ang loob ko kasi kahit hindi sumusuntok, may puntos pa rin. Wala tayong magagawa kasi ganun ang mga judges.”
“Parang sinadya ‘yung head butt, naramdaman niya, lumalaban na rin ako sa kanya eh. Natumba na siya tapos, pagtayo niya, na-head butt ako,” dagdag pa ni Ladon.
Ang silver ni Ladon ang nag-angat sa Pinas ng kabuuang 21 medals na 4-golds, 2, silvers at 15-bronzes sa pagsasara ng kompetisyon ngayon.
Sa volleyball, lumasap ang Pinay volleybelles ng 17-25, 25-23, 19-25, 20-25 pagkatalo sa Indonesia para tumapos na eight place sa women’s volleyball competition na nilahukan ng 12-bansa sa larong ginanap sa Gor Bulungan gym.
Tatapusin ng mga Pinoy triathletes ang kampanya ng 275-man Philippine team sa mixed relay ng triathlon sa Palembang.
Sisimulan ni Singapore Southeast Asian Games women’s triathlon queen Claire Adorna ang karera kasunod ni John Chicano, Kim Mangrobang at Mark sa lakes and grounds ng Jakabaring Sports City.
Sasabak sila sa pinaigsing 300-meter swim, 7-km bike and 1.8-km. run kung saan pagsasamahin ang oras ng apat na atleta para matukoy ang kanilang overall standing.