Ladon pumasok sa finals
JAKARTA--Puwedeng madagdagan ang apat na gintong medalya ng Pinas sa 18th Asian Games patungo sa huling dalawang araw ng kompetisyon dito at sa Palembang.
At ito ay mula sa boxing na magtatapos ngayon sa Jakarta International Expo.
Pumasok ang Olympian na si Rogen Ladon sa finals ng men’s flyweight 52kgs at lalaban para sa gintong medalya kontra kay Jasurbek Latipov ng Uzbekistan, two-time World Championships silver medalist ngayong alas-2:15 ng hapon (3:15 p.m. Manila time).
Isa pang boxers ang sumalang sa semifinals kagabi na maaaring dumagdag sa pag-asa ng bansa sa boxing gold na naging mailap sa Pinas.
Huling nanalo ng gold ang Pinas noong 2006 sa Qatar mula kina Violito Payla at Joan Tipon.
Samantala, nahirapan muna ang Philippine women’s volleyball team kontra sa Kazakhstan nang umabot sa limang sets ang laban bago isuko ang 11-25, 25-22, 15-25, 25-19, 16-14 pagkatalo.
Bunga nito, tanging 7th place sa consolation round na lamang ang habol ng Pinay volleybelle kung saan makakalaban nila ang Indonesia ngayong alas-10 ng umaga (11 a.m. Manila Time).
Matapos ang 12-araw ng aksiyon, ang Pinas ay mayroon nang 4-gold, 1-silver at 13 bronzes para sa kabuuang 18 medals na humigit na sa 1-2-11 (gold-silver-bronze ng Pinas noong 2014 Incheon Asian Games.
Ang apat na gold ng Pinas ay mula kina weightlifter Hidilyn Diaz, skateboarder Margielyn Didal, golfer Yuka Saso na nanguna rin sa golf women’s team kasama sina Bianca Pagdanganan, nanalo rin ng bronze at Lois Kaye Go.
Ang mga bronze medalists ay ang men at women’s poomsae team, taekwondo jin Pauline Louise Lopez, wushu artists Agatha Wong at Divine Wally, ju-jitsu Meggie Ochoa, BMX rider Daniel Caluag, Pagdanganan at apat sa pencak silat mula kina Cherry Mae Regalado, Almohaidib Abad, Dines Dumaan at Jefferson Rhey Loon.
Dahil walang medalyang nairehistro ang Pinas kahapon, napako ang Philippines sa 18th place as-of-6 p.m. sa likod ng Vietnam na mayroon ding 4-golds ngunit may 15-silver at 18-bronzes habang sumusunod sa Pinas ang UAE na may 3-6-4.
Bukod sa boxing, lumalaban pa ang mga pambato ng Pinas sa soft tennis, sailing, bridge at triathlon.