JAKARTA — Inihatid ng Fil-Japanese na si Kiyomi Watanabe ang kauna-unahang silver medal ng Team Philippine rito sa 18th Asian Games sa pagbubukas ng judo competition sa Jakarta International Convention Center.
Sa ikalawang Asian Games stint ng 22-gulang na si Watanabe, three-peat SEA Games gold medalist, naihatid niya ang kauna-unahang medalya ng Pinas sa judo dagdag sa nauna nang 4-golds at 13 bronze medals na nasa 17th place as of 6 p.m. kahapon.
Sinubukan ni Watanabe na ibigay ang ikalimang gold ng Pinas ngunit naiskoran siya ng Ippon sa unang round pa lamang ng three-round match at ‘di na nakahabol pa para makontento sa silver medal.
“Inilagay ko sa isip ko na mananalo ako ng medal. “Malalakas ang Mongolia at Korea, ibinigay ko lahat sa last game ko pero kinabahan ako,” ani Watanabe, sports science student sa Waseda University sa Tokyo sa wikang Nihonggo.
Pumasok sa finals si Kiyomi Watanabe, nag-bye sa first round matapos talunin ang Mongolian na si Gankaich Bold sa pamamagitan ng waza-ari.
Nauna nang tinalo ni Kiyomi si Orapin Senatham ng Thailand via Ippon.
Ang kanyang kasamahang si Mariya Takahashi ay umabot sa quarterfinals ng women’s 70kgs bago sinibak ni Korean Kim Seongyeon via Ippon matapos talunin ang Thailander na si Surattana Thonsri via Ippon.
Ang isa pang Fil-Japanese judoka na sumabak kahapon ay si Neise Nakano na lumusot sa men’s 73kg round of 32 mataps talunin si Eval Salman Younis ng Jordan ngunit sinibak ni Barimanlou Mohammadi ng Iran via Ippon sa round-of-16.
Samantala, sisikapin naman nina Kim Mangrobang at Kimberely Kilgroe na madagdagan ang ambag ng mga Pinoy na lumalaban sa Palembang sa pagsisimula ng triathlon kompetition ngayon na gaganapin sa Jabakaring Sports City lakes and Grounds.
Sina Mangrobang at Kilgroe ay sasabak sa women’s individual triathlon sa karerang magsisimula sa alas 7:30 ng umaga (8:30 p.m. Manila time) para madagdagan ang gold medal na napanalunan ni skateboarder Margielyn Didal sa naturang sports hub kamakalawa.
Pinarisan na ng Team Phl ang naging produksiyon ng Pinas noong 2006 Asian Games sa Qatar.