JAKAARTA— Ang dating hinuhuli-huli ng mga pulis na anak ng isang karpintero at tindera ng kwek-kwek ay isa na ngayong bayani ng Pinas.
Taas noong uuwi ang skateboarder na si Margielyn Didal, ang naghatid ng ikaapat na gold medal ng Pinas mula sa 18th Asian Games.
Salamat sa mga humuhuli noong pulis sa grupo ng 19-gulang na si Didal, mas lalo siyang naging determinado, nadiskubre at ngayon ay isa nang bayani ng Pinas matapos makopo ang ikaapat na gold medal ng bansa sa women’s street skateboarding competition sa Jabakaring Sports City sa Palembang.
Hiling ni Margielyn Didal, mabago ang tingin ng tao sa mga skateboarders at magkaroon ng maraming skateboard parks sa Pilipinas.
“Lagi kaming hinahabol ng pulis, bawal kami pumasok sa mall na may dalang skateboard,” kuwento ni Didal, nadiskubre sa Concave Skate Park sa Lahug, Cebu City kung saan nagtitinda ang kanyang Nanay ni coach Danny Gutierrez pitong taon na ang nakakaraan.
“Malaking karangalan po na mag-iba ang paningin ng tao sa skaters.
“Nabigyan ng boses ang skateboard. Gusto ko rin na maipakita na skateboarding is a serious sport but can also be fun as well,” dagdag pa ng 19-anyos na si Didal, nakatakda sanang umuwi kahapon pabalik ng Pilipinas ngunit mananatili siya rito hanggang closing ceremonies sa Sabado dahil siya ang itinalagang flag bearer ng Philippine delegation.
Tulad ng mga gold medalist na sina weightlifter Hidilyn Diaz, golfer Yuka Saso na nanguna sa women’s team naka-gold din kasama sina Bianca Pagdanganan at Lois Kaye Go, tatanggap si Didal ng P6 milyon kabuuang incentives.
Susunod na pagsisikapan ni Didal ay ang makapag-qualify sa 2020 Tokyo Olympics kung saan kailangan niyang makaipon ng puntos sa mga qualifying tournaments.