JAKARTA — Lima sa 8-man boxing team ang naka-bye sa unang round matapos ang ginanap na draw kahapon para sa pagbubukas ng boxing competition ng 18th Asian Games sa Jakarta International Expo Hall dito.
Sasandal ang Pinas sa anim na male boxers at dalawang lady boxers na sina Rogen Ladon (flyweight-52 kgs), Eumir Felix Marcial (middleweighyt-75 kgs) at Mario Fernandez (bantamweight-56 kgs) kasama sina Carlo Paalam (light-fly-49 kgs), James Palicte (lightweight-60 kgs), Joel Bacho (welterweight-69 kgs), Irish Magno (flyweight-51 kgs) at Nesthy Petecio (featherweight-57 kgs) para sa kampanya ng Pinas.
Base sa schedule, sasalang ngayon ang mga preliminaries sa flyweight, lightweight at welterweight ng men’s division at women’s flyweight at naka-bye sina Ladon, Magno at Palicte sa unang round habang sasabak naman si Bacho kontra sa Iranian.
Naka-bye rin sina Paalam at Marcial habang mapapasabak naman si Nesthy Petecio sa Martes sa Chinese opponent at taga-Iraq naman ang unang sasagupain ni Fernandez sa Sabado.
Ang boxing ay palaging nagdedeliber ng medalya sa Asian Games kung saan nakapagbigay sila ng isang silver at tatlong bronze noong 2014 Incheon Asiad.
Ang Phl boxers ay dumating dito noong Martes kasama sina coaches Ronald Chavez, Nolito Velasco, Elmer Pamisa, psychologist Marcus Manalo at team manager Carina Picson.