MANILA, Philippines — Inilabas ng Go For Gold ang lahat ng puwersa nito para igupo ang Che’Lu Bar and Grill, 102-92 upang maningning na angkinin ang kampeonato ng PBA D-League Foundation Cup kagabi sa Ynares Sports Center sa Pasig City.
Walang sinanto si Gab Banal nang humataw ito ng 31 puntos mula sa 10-of-17 shooting tampok ang tatlong three-pointers kasama pa ang anim na rebounds, apat na assists at isang steal para tulungan ang Scratchers na makuha ang unang korona sa liga.
Nakakuha naman ng sapat na suporta si Banal mula kina Matt Salem na humakot ng 15 markers, dalawang steals, isang assists at isang rebounds, at Chris Porter na naglista naman ng 14 points, apat na rebounds, tatlong assists at isang steal.
Nag-ambag ng pinagsamang 20 puntos sina Ron Dennison at Jai Reyes.
Naging matikas na armas ng Scratchers ang bilis nito kung saan nagtala ang tropa ng 27 assists laban sa 14 ng Revellers.
Solido rin ang depensa ng Go For Gold matapos puwersahin ang Che’Lu na makagawa ng 20 turnovers.
Nagawang maibaon ng Scratchers ang Revellers tangan ang 20 puntos na kalamangan sa ikatlong kanto, 66-46.
Subalit hindi agad sumuko ang Revellers nang pasabugin nito ang 16-2 bomba sa likod nina Levi Hernandez at Chris Bitoon para maidikit ang iskor sa 81-86 sa huling limang minuto ng laban.
Agad namang nagising ang Scratchers matapos banderahan ni Banal ang 11-4 atake upang muling makalayo at tuluyang kunin ang panalo.
Ito ang ikalawang sunod na runner-up trophy ng Revellers na nagkasya rin sa ikalawang puwesto sa Aspirant’s Cup.