MANILA, Philippines — Naglahok ang Pilipinas ng isang differently-abled chess squad sa 2018 Malaysian Open bilang preparasyon para sa Asian Para Games sa Jakarta, Indonesia sa Oktubre.
Maganda naman ang naging resulta nito.
Dinaig ni wheelchair-bound FIDE Master Sander Severino si FM Arif Abdul Hafiz ng Indonesia para pumangatlo sa blitz section ng nasabing nine-round tournament sa likod ng nagharing si Grand Master Susanto Megaranto ng Indonesia at second placer na si untitled Filipino Merben Roque.
Ang 32-anyos na si Severino, may muscular dystrophy noong siya ay bata pa at naging multiple-gold medal winner sa ASEAN Para Games, ay tumabla kina FM Yoseph Theofilus Taher ng Indonesia at third seed GM Yuziang ng China.
Nasolo niya ang third place dahil sa pagkakaroon ng highest tiebreak.
Pumuwesto rin ang mga teammate ni Severino na sina Henry Lopez at Felix Anguilera at sina coaches James Infesto at FM Roel Abelhas.