Pinoy paddlers may tsansa sa ginto

Sinabi ni head coach Len Escollante na nagsanay ang koponan, binubuo ng 14 men at 13 women paddlers at rowers, sa Paoay town sa Ilocos Norte simula noong Abril.
Facebook Photo

MANILA, Philippines — Isang eksperyensadong koponan ang isasabak ng Philippine Canoe-Kayak Dragonboat Federation sa hangaring makapag-uwi ng gintong medalya sa 18th Asian Games sa Palembang, Indonesia.

Sinabi ni head coach Len Escollante na nagsanay ang koponan, binubuo ng 14 men at 13 women paddlers at rowers, sa Paoay town sa Ilocos Norte simula noong Abril.

Sa canoe-kayak sa 2018 Asiad ay magpapasok ng lahok ang bansa sa 200-meter men’s doubles category habang sa dr­gonboat ay sasabak naman ang koponan sa 200m at 500m women’s 10-seater at 200m, 500m at 1000m men’s 10-seater.

Ayon kay Escollante, ilang miyembro ng national team ang lumaban sa ilang international competitions para paghandaan ang 2018  Asian Games.

Noong Hulyo ay nagtala ang Philippine team ng dalawang gold medals sa men’s 200 at 500 meters matapos talunin ang Thailand sa fifth Asian Dragon Boat Championships sa Dali Bai Autonomous Prefecture sa China.

Nakapasok naman ang koponan sa semifinals ng 2018 ICF Canoe Sprint World Cup 2 noong Mayo sa Duisburg, Germany.

Maliban sa host team Indonesia, ay makakaagawan din ng bansa para sa ginto  ang mga bigating koponan ng China, Thailand at Myanmar.

Ang Pilipinas ang sinasabing magpapasok ng pinakabatang koponan sa canoe-kayak at dragonboat event sa Asiad.

Show comments