Go For Gold tanaw na ang korona

Nag-init ng husto si Paul Desiderio na tumipa ng 28 puntos kabilang ang limang tres para manduhan ang Scratchers sa paghatak ng 2-1 bentahe sa best-of-five championship series.
File Photo

Laro sa Martes(Ynares Pasig)

5pm Go For Gold vs Che’Lu

MANILA, Philippines — Nagningning ang Go For Gold nang ilusot nito ang 98-96 come-from-behind win laban sa Che’Lu Bar and Grill upang makadikit sa kampeonato ng PBA D-League Foundation Cup kagabi sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.

Nag-init ng husto si Paul Desiderio na tumipa ng 28 puntos kabilang ang limang tres para manduhan ang Scratchers sa paghatak ng 2-1 bentahe sa best-of-five championship series.

Nagdagdag si Gab Banal ng 11 markers, walong boards at anim na assists samantalang may 10 mar­kers naman si Vince Tolentino. Malaki rin ang kontribusyon nina Jai Reyes at Rey Publico na parehong may siyam na puntos at sina Ron Dennison at Dan Wong na may tig-walo.

Abante ang Revellers sa 88-84 sa pagpasok ng huling dalawang minuto.

Nagpakawala ang Scratchers ng 8-0 run sa likod ng tres nina Reyes at Desiderio at layup ni Tolentino para agawin ang kalamangan, 92-88 may 67 segundo pang nalalabi.

Nagawang makalapit ng Revellers nang ibato ni Chris Bitoon ang umaatikabong tres para sa 91-92. Ngunit agad itong sinagot ni Desiderio ng sariling three-pointer tungo sa 95-91, may 27 segundo pa.

Nagpalitan ng maiinit na baskets ang dalawang tropa bago isalpak ni Desiderio ang game winning layup para makuha ang panalo.

Nanguna para sa Re­vellers si Jeff Viernes na naglista ng 23 points samantalang may tig-17 sina Bitoon at Levi Hernandez, at 12 galing kay Jessie Collado.

Subalit nasayang ang lahat ng ito matapos mabigo ang Revellers na pigilan ang fourth-quarter assault ng Scratchers.

 

Show comments