MANILA, Philippines — Dahil hindi pa makakalaro sina guards Kiefer Ravena at Kevin Alas ay minabuti ng NLEX na humugot ng dalawang player para sa kanilang backcourt sa darating na 2018 PBA Governor’s Cup.
Tinapik ng Road Warriors sina Philip Paniamogan at Bong Galanza matapos pumayag si head coach Yeng Guiao.
Kasalukuyang inihahanda ni Guiao ang Philippine team para sa 18th Asian Games sa Agosto 18 hanggang Setyembre 2 sa Jakarta at Palembang, Indonesia.
Pinatawan si Ravena ng FIBA ng 18-month suspension matapos maging positibo sa pagkakaroon ng tatlong banned substance sa kanyang urine test.
Ang rookie guard ay miyembro ng Gilas Pilipinas.
Walong buwan naman mawawala sa aksyon si Alas matapos magkaroon ng ACL injury sa kanyang kanang tuhod.
Naglaro na sina Paniamogan at Galanza sa mga tune-up games ng NLEX laban sa Meralco, Phoenix at Rain or Shine.
Ipaparadang muli ng Road Warriors sa season-ending conference na magbubukas sa Agosto 17 si import Oluseyi Ashaolu, nagtala ng 31 points at 12 rebounds sa 89-116 kabiguan sa Magnolia sa huli nilang laro sa nakaraang 2018 PBA Commissioner’s Cup.