MANILA, Philippines — Mag-uunahan ang Che’Lu Bar and Grill at Go For Gold na masungkit ang pambuenamanong panalo sa paglarga ng 2018 PBA D-League Foundation Cup best-of-five championship showdown sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.
Bibitawan ang Game One ngayong alas-5 ng hapon.
Naisaayos ng Revellers at Scratchers ang paghaharap sa finals matapos magtala ng magkaibang panalo sa kani-kanilang semifinals series.
Dumaan sa butas ng karayom ang Che’Lu bago kunin ang 2-1 pananaig laban sa Centro Escolar University.
Mas madali naman ang daang tinahak ng Go For Gold na nanaig sa Marinerong Piliipno sa Game One (96-87) at Game Two (103-75) para sa matamis na sweep.
Hawak ng Revellers ang 2-0 bentahe laban sa Scratchers sa kumperensiyang ito.
Naitala ng Revellers ang 97-95 panalo sa first round ng eliminasyon noong Hulyo 3 kasunod ang pagtarak ng 74-68 desisyon sa second round noong Hulyo 26.
Ngunit alam ni Revellers head coach Stevenson Tiu na ibang usapan na ang finals.
“This back to zero. This will not be easy for us because this is the championship,” ani Tiu.
Desidido ang Revellers na makuha ang titulo sa pagkakataong ito matapos magkasya sa runner-up finish sa nakaraang Aspirants’ Cup.
“That’s still the challenge of the team management for us: to go for it championship,” wika ni Tiu na muling sasandalan sina Jeff Viernes, Levi Hernandez, Jesse Collado at Chris Bitoon.
Aminado naman si Go For Gold head coach Charles Tiu na sila ang underdogs sa serye subalit handa ang kanyang bataan na makipagsabayan upang makaresbak at makamit ang kampeonato.
“They beat us twice and we’ve really struggled against them. But the good thing is it’s 0-0 in the finals and it should be a good match-up,” wika ng Scratchers coach na aasa kina Gab Banal at Jai Reyes.