MANILA, Philippines — Pag-aagawan ng Centro Escolar University at Che’Lu Bar and Grill ang huling tiket sa finals sa paglarga ng 2018 PBA D-League Foundation Cup ‘do-or-die’ semis game ngayong hapon sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.
Asahan ang matinding bakbakan sa pagitan ng Scorpions at Revellers sa alas-5.
Pinataob ng Revellers ang Scorpions sa iskor na 112-97 sa Game One ngunit nakabawi ang CEU nang itarak ang 83-78 desisyon kontra Che’Lu sa Game Two noong nakaraang linggo para maipuwersa ang rubber match.
Nakakuha ng malakas na puwersa ang Scorpions mula kina Rich Guinitaran at Orlan Wamar para dalhin ang kanilang tropa sa panalo.
Kaya’t inaasahang muling ilalabas ng dalawang mahuhusay na manlalaro ang bangis upang pamunuan ang Scorpions sa pagmartsa sa finals.
“We manned up and that’s what we’re telling them. The playoff is a man’s game and that’s what we need to do. We have to stand our ground and take what they can give. We have to fight,” wika ni Scorpions mentor Derrick Pumaren.
Tiwala naman si Che’Lu head coach Stevenson Tiu na nananatiling mataas ang moral ng kanyang mga bataan.
Mas determinado at mas uhaw na Revellers ang hahataw sa ‘do-or-die’ game sa pangunguna ni Jeff Viernes.
Maliban kay Viernes, nais ni Tiu na makakuha ng malaking kontribusyon mula sa iba pang miyembro ng koponan partikular na kina Levi Hernandez, Chris Bitoon at Jesse Collado.
“This is not Jeff Viernes’ team alone. This is Che’Lu and all must contribute,” wika ni Tiu.
Ang magwawagi sa Scorpions at Revellers ang haharap sa Go For Gold sa best-of-five championship showdown.
Nauna nang umusad sa finals ang Scratchers matapos walisin ang Marinerong Pilipino, 2-0, sa hiwalay na best-of-three semis series.