MANILA, Philippines — Handang handa na ang Philippine Sports Commission sa pagdaraos ng Mindanao Open matapos ang isinagawang coordination meeting kasama ang mga local government units (LGUs) at iba pang stakeholders na ginanap sa Ozamis City noong Hulyo 30.
Ang Mindanao Open ay isang quarterly sportsfest na gaganapin sa iba’t ibang rehiyon tungo sa national championship sa taong ito bilang bahagi rin sa Luvmo Games 2018 na programa ng PSC sa koordinasyon ng Philippine Sports Institute.
Tatlong kategorya ang paglalabanan sa Mindanao Open kabilang na ang 12-year under, 14-year under at 16-year under.
Nagsagawa rin ang PSC ng coordination meeting noong Hulyo 3 sa Davao City, Hulyo 5 sa GenSan, Hulyo 11 sa Cagayan, Hulyo 18 sa Surigao City at sa Zamboanga City noong Hulyo 25.
Umabot sa mahigit 24 cities at 19 probinsiya ang dumalo sa mga nasabing coordination meetings.
Isa sa gustong mag-host sa event ay ang Gingoog City at Dinagat Island.
Hangad naman ng Dinagat Island na mag-host ng archery event sa nasabing kumpetisyon.
Ang ibang events sa Mindanao Open ay ang open water swimming, triathlon, badminton, table tennis, tennis, arnis, boxing, judo, karatedo, taekwondo, air rifle, archery, fencing at weightlifting.