Bagitong tankers eeksena sa 143rd PSL Leg Series
MANILA, Philippines — Magtatagisan ang mahuhusay na bagitong tankers sa 143rd Philippine Swimming League (PSL) National Series - Short Course Swim Meet na lalarga ngayong umaga sa Diliman Preparatory School swimming pool sa Quezon City.
Nakalaan lamang ang torneo para sa mga Motivational at Novice swimmers na magbabakbakan para makahirit ng puwesto sa PSL team na ipadadala sa iba’t ibang international tournaments sa Singapore, Japan at United Arab Emirates.
“PSL is giving chance too to new swimmers to shine. We want to build their confidence and elevate to the next level. We want to develop their talent and expose them for future international competitions,” wika ni PSL president Susan Papa.
Pipili rin ang PSL ng mga swimmers na ipapasok sa DPS swimming varsity team.
Nakalaan ang medalya para sa mga magwawaging swimmers sa bawat kategorya habang gagawaran din ng Most Outstanding Swimmer awards ang mga nangunguna sa kani-kanilang age band.
Darayo rin ang mga koponan mula sa Cebu, Iloilo, Bacolod at Capiz gayundin ang mga koponang mula sa National Capital Region, Cavite, Davao, Baguio, Laguna, Pampanga, Quezon at Mindoro.
- Latest