Unahang dumikit sa finals

Che’lu kontra CEU; go for Gold vs Marinero

MANILA, Philippines — Apat na koponan ang mag-uunahang makalapit sa finals sa paglarga ng PBA D-League Foundation Cup best-of-three semifinal series ngayong hapon sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.

Magpapang-abot ang top seed Che’Lu Bar and Grill at No. 4 Centro Escolar University sa alas-4 habang magtutuos naman ang se­cond pick Go For Gold at No. 3  Marinerong Pilipino sa alas-6 ng gabi sa Game 1 ng kani-kanilang serye.

Nakuha ng Revellers ang No. 1 spot matapos makalikom ng walong panalo sa 10 laro sa eliminasyon.

Subalit alam ni Revellers head coach Stevenson Tiu na iba ang lebel ng bakbakan pagdating sa semis lalo pa’t makakalaban ng kanyang tropa ang mapanganib na Scorpions.

“I’m happy that we’re on top. But in the semis, it’s all back to zero. There are no pushover teams here. Our mindset is to beat any team that we would face and now that is CEU,” ani Tiu.

Sasandalan ng Revellers sina Jeff Viernes, Levi Hernandez, Jessie Collado at Chris Bitoon para maisakatuparan ang inaasam na pagbabalik sa finals.

Nalaglag naman sa ikaapat ang Scorpions ta­ngan ang 5-5 baraha.

Aminado si CEU mentor Derrick Pumaren na underdogs ang kanyang bataan dahil wala na sa tropa si main man Rob Ebondo.

“Nobody expected us to be here. With the departure of Rod Ebondo and other veteran big men, we are the surprise team in the semis. So it’s going to be a tall order for us playing the number one team in the league,” ani Pumaren.

Sa kabilang banda, ibubuhos ng Scratchers ang buong puwersa nito para makapasok sa finals.

Maraming nawala sa Scratchers dahil sa injuries.

Masuwerte ang Go For Gold dahil malalim ang lineup nito.

Pasok na sa tropa si Jerick Cañada para samahan sina Jai Reyes, Jerwin Gaco, Gab Banal at Vince Tolentino.

 Tatapatan ito ng Skippers sa ngalan nina Trevis Jackson, Robbie Manalang, Abu Tratter at Jorey Napoles.  

Show comments