MANILA, Philippines — Namamayagpag ang Lyceum of the Philippines tangan ang imakuladang 5-0 rekord sa NCAA Season 94 men’s basketball tournament.
At isa si reigning MVP CJ Perez sa dahilan ng matayog na lipad ng Pirates.
Humataw si Perez ng career-high 31 points para pamunuan ang Lyceum na makuha ang 82-65 come-from-behind win laban sa Arellano University noong Martes.
Halos magtala rin ito ng triple-double nang itarak ng Pirates ang 94-81 panalo laban sa Mapua University kung saan nagsumite si Perez ng 19 markers, siyam na rebounds at walong assists.
Pinuri ni Perez ang mga katropa nito kasama si Pirates mentor Topex Robinson na mga dahilan upang makapagbigay ito ng magandang performance sa kanilang nakalipas na mga laro.
“Syempre na-inspire ako sa pagbibigay ng kumpyansa sa’min ni coach. Hindi ko rin magagawa ‘yun kung ‘di dahil sa mga teammates ko. ‘Yung collective effort talaga ang key doon kaya ako nakakagawa ng ganoon,” ani Perez.
Sa dalawang laro, may averages si Perez na 25 points, 7.5 boards, 7.0 assists at 4.0 steals dahilan upang masungkit nito ang NCAA Press Corps Player of the Week award.
“Syempre ‘di ko naman nagagawa ‘yung ganon (good performance) kung wala ang trust ni coach at ng mga teammates ko. ‘Yung effort na ibibigay ko this season, all out talaga,” dagdag nito.
Umaasa si Robinson na magpapatuloy ang matikas na ratsada ng kanilang tropa partikular na si Perez na pangunahing pinagkukunan ng lakas ng Lyceum.
Naungusan ni Perez sa pagkilala sina Prince Eze ng Perpetual Help, Robert Bolick ng San Beda, Levi Dela Cruz at Mike Nzeusseu ng Arellano. (CCo)