MANILA, Philippines — Ginulantang ni Team Lakay standout Kevin Belingon si two-division champion Martin Nguyen sa pamamagitan ng unanimous decision victory upang masungkit ang interim ONE Bantamweight World Championship kamakalawa sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Natupad ni Belingon ang pangarap nitong maging ikalimang Pilipino na nagkampeon sa ONE matapos kubrahin ang kanyang ikaanim na sunod na panalo.
“Hindi ko maipaliwanag ‘yung nararamdaman ko. Sobrang saya ko kaya lubos ang pasasalamat ko sa lahat ng sumuporta sa akin. It was an honor fighting Martin. He’s such a great athlete. I’m so proud na nakuha ko ang panalo para sa bansa natin,” wika ni Belingon.
Ang panalo rin ang nagbigay daan para makaharap ni Belingon si reigning ONE Bantamweight World Champion Bibiano Fernandes sa isang title fight na gaganapin sa huling bahagi ng taon.
Nauna nang nagharap sina Belingon at Fernandes noong 2016 kung saan natalo ang Pinoy fighter via first-round submission.
Ngunit malaki na ang ipinagbago ng laro ni Belingon kaya’t umaasa itong makukuha nito ang matamis na pagresbak laban kay Fernandes sa oras na muling magkrus ang kanilang landas.
Namayagpag din ang Pinoy wushu artists na sina Eduard Folayang, Joshua Pacio at Rene Catalan sa kani-kanilang laban.
Dinungisan ni Folayang ang rekord ni Russian Aziz Pahrudinov via unanimous decision victory.
Napaganda ni Folayang ang kanyang rekord sa 20-6 habang nahulog sa 21-1 si Pahrudinov.
Mabilis na pinasuko ni Pacio si Thai fighter Pongsiri Mitsatit via submission sa first round habang namayani si Catalan kay ONE Jakarta Flyweight Tournament titlist Stefer Rahardian via unanimous decision.