MANILA, Philippines — Uuwi si Filipino-Canadian Alex Pagulayan tangan ang runner-up trophy sa 2018 US Open 8-Ball Championship na ginanap sa Griff’s Activity Center sa Las Vegas, Nevada.
Nagkasya sa ikalawang puwesto si Pagulayan nang lumasap ito ng 3-10 kabiguan kay American cue master Shane Van Boening sa championship round.
Hindi naman uuwing luhaan si Pagulayan dahil nagkamit pa rin ito ng $6,000 konsolasyon.
Nasungkit ni Van Boening ang $9,000 premyo.
Pumasok si Pagulayan sa finals tangan ang undefeated record.
Isa-isa nitong pinataob sina Cole Hoggart ng Amerika (8-0), Pinoy cue masters Ronnie Alcano (8-4) at Warren Kiamco (8-5), Klenti Kaci ng Albania (8-4) at dating world champion Thorsten Hohmann ng Germany (8-7).
Pumang-apat lamang si Dennis Orcollo para sa $2,700 premyo habang nasa ikapito sina Kiamco at James Aranas na parehong nagkamit ng $1,000. (CCo)