Altas nais masolo ang No. 3 vs Generals

Nadepensahan ni Larry Muyant ng Letran si Prince Eze ng Perpetual sa aksyong ito sa huling laban na pinagwagian ng Altas.

MANILA, Philippines — Target ng University of Perpetual Help System Dalta na masolo ang No. 3 spot sa pakikipagtipan sa Emilio Aguinaldo College ngayong hapon sa pagdayo ng NCAA Season 94 men’s basketball tournament sa EAC Gym sa Taft, Manila.

Lalarga ang NCAA on Tour tampok ang duwelo ng Altas at Generals sa alas-4 ng hapon habang magtutuos din ang Junior Altas at Brigadiers sa juniors division sa alas-2.

Nakatali sa four-way tie sa ikatlong puwesto ang Perpetual Help, Letran, Mapua at Arellano hawak ang magkakatulad na 1-1 marka habang nangu­nguna ang Lyceum na may imakuladang 4-0 at pumapangalawa ang nagdedepensang San Beda na may 2-0 kartada.

Maganda ang inilalaro ni rookie transferee Edgar Charcos na may average na 20.5 points sa kanilang dalawang laro - sa 65-67 kabiguan sa San Beda Lions at 78-75 panalo sa Letran Knights.

Malaking tulong si Charcos na siyang humalili sa lineup kay Kieth Pido na nagtamo ng foot injury.

Pinatunayan naman ni Charcos na may ibubuga ito kung saan bumanat ito ng career-high 27 points laban sa Letran.

“He’s a big reason why we’re playing like this, I’m confident he could sustain it,” ani Perpetual Help coach Frankie Lim. (CCo)

Show comments