MANILA, Philippines — Pinalubog ng Go For Gold ang Marinerong Pilipino, 86-71, upang masiguro ang Top 2 spot sa playoffs sa PBA D-League Foundation Cup kahapon sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.
Mainit ang palad ni Jai Reyes nang kumana ng 19 puntos tampok ang tatlong tres kasama pa ang walong assists, anim na rebounds at tatlong steals para pamunuan ang Scratchers.
Nagparamdam din si Dan Wong nang umiskor ng 14 markers at tatlong boards gayundin si Gab Banal na nagpamalas ng all-around game na 13 puntos, pitong rebounds, limang steals at apat na assists.
“We just played better defense. If we play defense, we’ll have a chance to win every game,” ani mentor Charles Tiu.
Sumosyo ang Go For Gold sa liderato kasama ang Che’Lu Bar and Grill hawak ang 7-2 baraha.
Paglalabanan ng Scratchers at Revellers ang top seeding sa playoffs sa huling araw ng eliminasyon sa Huwebes.
Nanguna para sa Skippers si Abu Tratter na naglista ng 16 puntos.
Bagsak ang Marinerong Pilipino sa 5-4 marka.
Haharapin ng Skippers ang Centro Escolar University para sa No. 3 seed.
Ibinaon ng Scratchers ang Skippers sa ikatlong kanto nang itarak ang 61-43 kalamangan patungo sa 69-46 sa huling pitong minuto ng laro.
Sa ikalawang laro, iginupo ng Batangas ang AMA Online Education, 91-78, para magarbong tapusin ang kampanya sa 4-6 marka.