MANILA, Philippines — Isa pang Filipino fighter ang umiskor ng TKO (Technical Knockout) victory kahapon sa Axiata Arena sa Kuala Lumpur, Malaysia.
Pinigilan ni Jhack Tepora si Edivaldo Ortega ng Mexico via ninth-round TKO victory para angkinin ang bakanteng World Boxing Association Interim featherweight title sa undercard ng laban nina Manny Pacquiao at Lucas Matthysse.
Ito ang ika-22 sunod na panalo ni Tepora, hindi pa natatalo sa kanyang professional career, ng Cebu City tampok ang 17 knockouts habang nalasap ni Ortega ang ikalawang kabiguan sa 29 laban.
Si Tepora ang ikatlong Pinoy fighter na naglista ng panalo bukod kina Pacquiao at Juan Miguel Elorde, apo ni Filipino boxing legend Gabriel “Flash” Elorde, na tumalo kay Ratchanon Sawangsoda ng Thailand via third round TKO sa opening preliminary bout.
Dahil sa pagiging parehong southpaw (kaliwete) ay hindi gaanong naging maaksyon ang upakan nina Tepora at Ortega hanggang sumapit ang fifth round kung saan mas naging agresibo ang Pinoy pride sa kanyang mga jabs at uppercuts sa Mexican.
Sa ninth round ay naipasok ni Tepora ang kanyang right uppercut na nagpatumba kay Ortega sa canvas sa unang pagkakataon.
Nalampasan ni Ortega ang mandatory eight count ni referee Roberto Ramirez, Jr. ngunit nabigong ilagan ang mga suntok ni Tepora na dahilan para tuluyang itigil ng Puerto Rican third man ang laban sa 2:38 minuto nito.