MANILA, Philippines – Lalo pang lumakas ang University of the Philippines (UP) Fighting Maroons sa pagsali ni Gilas Pilipinas Cadet Kobe Paras.
Kinumpirma ito ni UP head coach Bo Perasol ngayong Miyerkules ng umaga.
Dating manlalaro ng La Salle Greenies si Paras kung saan isa siya sa mga top recruit ng bansa bago nagdesisyon na maglaro sa Amerika.
Naglaro si Paras sa Creighton University Bluejays, bago lumipat sa California State University.
Hindi nagtagal ay naglabas siya ng isang video announcement kung saan sinabi niyang lalaktawan niya ang college para maglaro sa professional level.
Ipagpapatuloy ni Paras ang legasiya ng kanyang ama si Benjie Paras na dinala ang UP sa huli nitong kampeonato sa UAAP noong 1986 bago maging kauna-unahan at nag-iisang rookie-MVP sa kasaysayan ng Philippine Basketball Association.
Magsisimulang maglaro si Paras sa darating na UAAP Season 82, bilang pagsunod sa one-year residency period.
Makakasama ng nakababatang Paras ang kapwa Gilas cadet na si Ricci Rivero, na nakuha ng koponan nitong Mayo.