Chua pasok sa main draw ng World Chinese 8-Ball Masters

Mabilis na dinispatsa ni Chua si Liu Dawei ng China sa pamamagitan ng 9-3 demolisyon sa kanyang unang pagsalang bago naitakas ang 9-8 dikdikang panalo kontra sa isa pang Chinese bet na si Fan Zhisong.

MANILA, Philippines — Nagtala ng dalawang sunod na panalo si Johann Chua upang makahirit ng tiket sa main draw ng 2018 World Chinese 8-Ball Masters na ginaganap sa Siping Gymnasium sa Siping, China.

Mabilis na dinispatsa ni Chua si Liu Dawei ng China sa pamamagitan ng 9-3 demolisyon sa kanyang unang pagsalang bago naitakas ang 9-8 dikdikang panalo kontra sa isa pang Chinese bet na si Fan Zhisong.

Nakalugmok si Chua sa 1-6 iskor laban kay Fan.

Subalit unti-unti itong tinapyas ni Chua matapos samantalahin ang ilang mintis ng Chinese player para makumpleto ang come-from-behind win.

Hindi naman pinalad si Jeffrey Ignacio nang lumasap ito ng 10-11 kabiguan kay Yang Hai ng China sa kanyang ikalawang laro.

Nagtala muna ng 9-1 demolisyon si Ignacio kontra kay Sun Lei at ng 7-3 pananaig kay Yang Xiaosong ng China bago yumuko kay Yang.

Pasok din sina Gareth Potts ng England, Sanjin Pehlivanovic ng Bosnia and Herzegonvina, Ko Pin Yi ng Chinese-Taipei, Dimitrov Stanimir ng Bulgaria at Li Hewen ng China matapos manalo sa kani-kanilang karibal.

Iginupo ni Potts si Meng Fanyu ng China (8-7), pinataob ni Pehlivanovic si Chen Yinfei ng China (11-7), nanalo si Ko kay Liu Shiyuan ng China (8-7), nanaig si Stanimir kay Xia Bing ng China (7-6) at namayani si Li sa kababayang si Lu Xin (11-6).

Show comments