MANILA, Philippines — Tinulungan ni dating Magnolia import Ricardo Ratliffe ang Korea sa 82-74 paggupo sa China para umabante sa second round ng 2019 FIBA World Cup Asian Qualifiers kahapon sa Shenzhen, China.
Nagtala si Ratliffe, kinuhang naturalized player ng Korea, ng 25 points, 11 rebounds, 3 assists at 1 steal para resbakan ang China na nauna silang tinalo, 92-81 sa Seoul noong Nobyembre.
Nagtala ang mga Koreans ng 2-1 record sapul nang gawing naturalized player si Ratliffe at may 3-2 baraha sa kabuuan.
Tatapusin ng Korea ang kanilang first-round matches laban sa Hong Kong bukas.
Nauna nang tinalo ng Korea ang New Zealand, 86-80 sa Wellington noong Nobyembre.
Binigo naman ng New Zealand ang Hong Kong, 124-65 sa Rotorua para manguna sa Group A.
Sa Group C, tinakasan ng Lebanon ang Jordan, 77-76 samantalang iginupo ng Syria ang India, 81-76.
Sinamahan ng mga Syrians (2-3) ang mga Lebanese (4-1) at mga Jordanians (4-1) sa second round laban sa mga Kiwis (4-1), mga Chinese (3-2) at mga Koreans (3-2).