MANILA, Philippines — Matikas na depensa ang inilatag ng College of St. Benilde para maitakas ang 76-74 pukpukang panalo laban sa University of the Philippines at tuluyang angkinin ang unang tiket sa semifinals ng 12th FilOil Flying V Preseason Cup kahapon sa The Arena sa San Juan City.
Bumandera sa ratsada ng Blazers si Senegalese center Clement Leutcheu na may 16 points at pitong rebounds habang nagdagdag naman si Yankie Haruna ng 15 markers, apat na boards at apat na steals.
“The boys really played to the game plan. There were some immature mistakes along the way but they pulled it through. I just want to give credit to where credit is due,” ani Benilde head coach Tyrone Tang.
Nag-ambag naman si Unique Naboa ng 12 points samantalang naglista si Justin Gutang ng 11 markers, walong assists at pitong rebounds.
Dahil sa matinding depensa, nagawang mapuwersa ng Blazers na makagawa ang Fighting Maroons ng 32 turnovers.
Nasayang ang pinagsikapan ni Nigerian slotman Bright Akhuetie na may 22 points at siyam na rebounds gayundin ang 15 ni Paul Desiderio at 10 ni Jun Manzo para sa Fighting Maroons.
Sa ikalawang laro, nalusutan din ng nagdedepensang San Beda University ang Adamson U, 64-62 para masiguro ang ikalawang semis spot.