MANILA, Philippines — Nag-ambag ng kabuuang 42 puntos sina Leo Najorda at Emmanuel Calo para iangat ang Davao Occidental Tigers laban sa Quezon City Capitals, 90-78 sa pagpapatuloy ng 2018 Maharlika Pilipinas Basketball League (MPBL) Datu Cup noong Martes ng gabi sa Pasig City Sports Center.
Umiskor ng tig-21 puntos sina dating PBA standout Najorda at dating University of the Visayas Green Lancers Calo upang masungkit ang ikalawang sunod panalo at makisosyo sa liderato sa South Division kasama ang Muntinlupa Cagers sa parehong 2-0 win-loss kartada.
Bukod sa malaking puntos na halos kalahati sa kabuuang score ng buong koponan, umani pa ng tig-anim na rebounds at tig-tatlong assists sina Najorda at Calo para biguin ang QC Capitals na nakalasap ng kanilang ikalawang sunod na talo.
Sa iba pang laro, hiniya naman ng Laguna Heroes ang Pasig Pirates sa kanilang homecourt mismo sa pamamagitan ng 83-75 pananaig upang masungkit ang unang panalo sa dalawang laro.
Ang dating Ateneo star na si Jai Reyes ay umiskor ng 21 puntos na may kasamang 11 rebounds at limang assists para sa Heroes ni coach Alex Angeles.