MANILA, Philippines — Masusubukan ng F2 Logistics ang bagong ‘Triple Tower’ ng Foton Tornadoes sa kanilang paghaharap ngayon sa pagbubukas ng 2018 Philippine Superliga (PSL) Invitational Conference sa Smart Araneta Coliseum.
Haharapin ng 2015 at 2016 Grand Prix champion Tornadoes ang 2017 Grand Prix title holder Cargo Movers sa alas-6 ng gabi pagkatapos ng laban ng Lifesavers at Lady Fighting Maroons sa alas-4 ng hapon.
Matapos matalo sa finals noong nakaraang 2018 Grand Prix, hangad nina Aby Maraño, Kim Fajardo, Cha Cruz, Kim Dy, Desiree Cheng at Majoy Baron na bumawi kaya susukatin nila ang isa pang title contender na Foton na pangungunahan ng bagong ‘Triple Tower’ na sina dating Ateneo Lady Eagles 5’11 Bea de Leon, 6’3 Dindin Santiago-Manabat at 6’5 Jaja Santiago.
Bukod kay De Leon at magkapatid na Santiago, kasama rin sa Foton sina Diana Mae Carlos, Gyzelle Sy, Isabel Molde, Ivy Perez, team captain Maika Ortiz at Joy Rosario.
“Sa tingin ko lang, walang team-to-beat ngayon dahil halos lahat ng koponan ay malalakas kaya sa hard work at will to win na lang talaga magka-alaman,” ani Foton coach Rommel Abella.