MANILA, Philippines — Dahil sa pagdating ni 2017 No. 1 overall pick Christian Standhardinger ay nawalan ng posisyon si Gabby Espinas sa San Miguel.
Kahapon ay dinala ng Beermen ang 6-foot-5 na si Espinas sa Globalport Batang Pier bilang kapalit ni big man Kelly Nabong.
Inaprubahan ni PBA Commissioner Willie Marcial ang nasabing trade ng San Miguel at Globalport bago ang trade deadline ngayon.
Muling maglalaro si Espinas para sa Batang Pier na nauna niyang nilaruan noong 2015.
Kumampanya rin si Espinas, dating NCAA Rookie MVP winner para sa Phi-lippine Christian University Dolphins, para sa Air21, Barako Bull, Sta. Lucia, Meralco at Alaska.
Maglalaro naman ang 6’6 na si Nabong para sa kanyang ikatlong koponan matapos ang Meralco at Globalport.
Si Nabong ang ikalawang player na ipinamigay ng Globalport matapos dalhin si small forward Julian Sargent sa Barangay Ginebra kapalit ni guard Paolo Taha noong Martes.
Samantala, ang panalo sa huli nilang laro ang inaasahang magpapasok sa Columbian sa eight-team quarterfinal round habang kapwa hangad ng Meralco at TNT Katropa na makalapit sa pagdakma sa isa sa dalawang ‘twice-to-beat’ incentive.
Lalabanan ng Dyip ang Globalport Batang Pier ngayong alas-4:30 ng hapon kasunod ang bakbakan ng Bolts at Tropang Texters sa alas-7 ng gabi sa 2018 PBA Commissioner’s Cup sa Smart Araneta Coliseum.
Bitbit ng Columbian ang 4-6 baraha kagaya ng Phoenix sa ilalim ng Rain or Shine (8-1), Meralco (7-2), Alaska (7-2), TNT Katropa (6-3), nagdedepensang San Miguel (4-4), Globalport (4-5), Barangay Ginebra (4-5) at Magnolia (4-5) kasunod ang NLEX (2-7) at Blackwater (1-9).
“We are excited that at the last game of our eliminations sked we have a shot at making the playoffs,” ani coach Ricky Dandan sa kanyang Dyip na yumuko sa Gin Kings, 107-134 noong Miyerkules.