Scratchers inakay ni Banal sa ika-4 dikit

MANILA, Philippines — Walang makapigil sa Go For Gold nang isama nito ang Marinerong Pilipino sa kanilang mga biktima matapos kubrahin ang 93-88 panalo kahapon sa PBA D-League Foundation Cup  sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.

Muling nag-init si Gab Banal na humataw ng 24 puntos para manduhan ang Scratchers sa pagkopo ng ikaapat na sunod na panalo at manatiling matatag ang kapit sa solong pamumuno.

Naging katuwang nito si Jai Reyes na bumanat naman ng 21 puntos gayundin sina Paul Desiderio at Jerwin Gaco na may parehong 11 puntos na naitala.

Gumulong ang Skippers sa 2-2 baraha.

Hindi napakinabangan ang 34 eksplosyon ni Trevis Jackson para sa Marinero.

Sa unang laro, tinusta ng Ché’Lu Bar and Grill ang Batangas-Emilio Aguinaldo College, 78-57 para maikonekta ang kanilang ikatlong sunod na panalo.

Naglatag si Chris Bitoon ng 8-of-14 shooting clip para makalikom ng 19 puntos tampok ang 13 sa second half para pamunuan ang Revellers sa pagsulong sa 3-1 marka at mapatatag ang kapit sa ikalawang puwesto.

 Bagsak ang Generals sa 1-3 para manatili sa No. 5 spot.

Show comments