MANILA, Philippines — Pararangalan ngayong gabi ang matitikas na basketball stars sa collegiate level sa 2018 Collegiate Basketball Awards na idaraos sa The Bayleaf Hotel sa Intramuros, Manila.
Pasok sa Mythical Team sina Robert Bolick ng San Beda University, Thirdy Ravena at Matt Nieto ng Ateneo de Manila University, NCAA Most Valuable Player CJ Perez ng Lyceum at UAAP MVP Ben Mbala ng De La Salle University.
Maganda ang ipinamalas ni Bolick sa NCAA Finals kontra sa Pirates para tulungan ang Red Lions na makuha ang ika-21 korona sa liga.
Hindi rin matatawaran ang kontribusyon nina Ravena at Nieto upang dalhin ang Blue Eagles sa kanilang unang titulo sa nakalipas na limang taon.
Sa kabilang banda, isa si Perez sa dahilan upang mapaangat ang Lyceum mula sa ilalim patungong tuktok ng team standings.
Sa katunayan, winalis ng Pirates ang 18-game elimination round noong NCAA Season 93.
Bigo mang makuha ang NCAA title ay nakabawi ang Lyceum nang pagharian ang Philippine Collegiate Champions League.
Hindi naman kagulat-gulat na mapasama si Mbala sa Mythical Team dahil sa dominanteng inilaro ng import sa nakalipas na season para sa Green Archers.
Kaya naman walang duda na sa kaniya napunta ang MVP award – ang kaniyang ikalawa sa UAAP.
Mula sa limang miyembro ng Mythical Team, pipiliin ng UAAP-NCAA Press Corps ang Collegiate Player of the Year.