MANILA, Philippines — Inilampaso ng defending champion San Beda University ang Emilio Aguinaldo College, 75-48 para masiguro ang No. 2 seed sa Group A ng 12th FilOil Flying V Preseason Cup kahapon sa The Arena sa San Juan City.
Bumandera para sa Red Lions si Kenmark Carino na umiskor ng 11 puntos sa siyam na minutong paglalaro, samantalang nagdagdag si Toba Eugene ng double-double na 10 points at 11 rebounds.
Dahil sa panalo, umangat ang San Beda sa ikalawang puwesto tangan ang 7-2 baraha kasalo ang De La Salle University na may katulad na marka.
Subalit opisyal na nakuha ng Bedans ang second seeding dahil sa panalo nito sa Green Archers, 72-70 noong Hunyo 4.
Nagawang maitarak ng Red Lions ang 30 puntos na kalamangan, 57-27, matapos magpasabog ng 11-2 run sa ikatlong kanto.
Mula rito ay hindi na lumingon pa ang Mendiola-based squad para tuluyang pasukuin ang Generals.
Tinapos ng Generals ang kampanya nito nang walang panalo sa siyam na laro.
Sa unang laro, maganda ang exit ng University of Santo Tomas nang igupo ang Arellano University, 82-73.