MANILA, Philippines — Hindi na makapaghintay si Filipino world eight-division champion Manny Pacquiao na makaduwelo si WBA welterweight titlist Lucas Matthysse ng Argentina sa ibabaw ng boxing ring.
“Isang buwan na lang,” sabik na wika ng 39-anyos na si Pacquiao sa pakikipagharap niya sa 35-anyos na si Matthysse sa Hulyo 15 sa Kuala Lumpur, Malaysia.
Nagbalik si Pacquiao sa General Santos City para ipagpatuloy ang kanyang training bilang paghahanda sa paghahamon niya sa Argentine world welterweight king.
Sumakay si Pacquiao sa isang private plane para dumalo sa pagbubukas ng MPBL noong Martes ng gabi sa Smart Araneta Coliseum.
Nakatakda siyang makipag-spar ng 10 rounds kahapon laban sa tatlong boxers.
“Grabe ang training namin,” wika ni Pacquiao na huling lumaban noong Hulyo ng 2017 kung saan niya naisuko ang suot na WBO welterweight belt kay Jeff Horn sa Brisbane, Australia.
Ang naturang titulo ay inagaw naman ni Terence Crawford kay Horn noong Linggo sa MGM Grand sa Las Vegas, Nevada.
Sa kanyang paghahanda kay Matthysse ay kinuha ni Pacquiao ang kababatang si Buboy Fernandez bilang bagong chief trainer kapalit ni Freddie Roach.
“Hirap siya,” sabi ni Pacquiao kay Fernandez, dating assistant ni Roach.