Tropang Texters hihirit sa Top Two sa quarterfinals
MANILA, Philippines — Matapos ang pagkakasibak ng Philippine team sa 2018 FIBA 3x3 World Cup ay tutulungan naman nina RR Pogoy, Troy Rosario, Christian Standhardinger at Stanley Pringle ang kani-kanilang koponan sa 2018 PBA Commissioner’s Cup.
Muling isusuot nina Pogoy at Rosario ang uniporme ng TNT Katropa sa pagsagupa sa Magnolia ngayong alas-7 ng gabi, habang igigiya ni Standhardinger ang nagdedepensang San Miguel laban kay Pringle at sa Globalport sa alas-4:30 ng hapon sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Nabigo ang No. 19 Philippine team na makaabante sa knockout quarterfinals ng FIBA 3x3 World Cup matapos makalasap ng 19-20 kabiguan sa No. 14 Canada kamakalawa sa Philippine Arena sa Bocaue, Bulacan.
Tinapos ng Nationals ang kampanya hawak ang 2-2 record tampok ang 15-7 paggupo sa No. 6 Brazil at 19-12 panalo laban sa No. 3 Russia.
Hangad naman ng Tropang Texters, nasa three-game winning streak, na makalapit sa isa sa dalawang 'twice-to-beat' incentive sa pakikipagtuos sa Hotshots na nasa tatlong sunod na kamalasan.
Ang No. 1 at No. 2 teams matapos ang eliminations ang magtataglay ng ‘twice-to-beat’ advantage laban sa No. 8 at No. 7 squads, ayon sa pagkakasunod, sa quarterfinals.
Maghaharap naman sa best-of-three series ang No. 3 laban sa No. 6 at ang No. 4 kontra sa No. 5.
- Latest