MANILA, Philippines — Iginupo ng Colegio de San Juan de Letran ang Arellano University, 71-63, para makumpleto ang quarterfinal cast sa Group B ng 12th FilOil Flying V Preseason Cup kahapon sa The Arena sa San Juan City.
Ang panalo rin ng Knights ang tumapos sa pag-asa ng San Sebastian Stags na makapasok sa quarterfinals.
Umangat ang Letran sa 5-3 marka para samahan ang College of Saint Benilde (6-1), Far Eastern University (6-1) at Adamson University (5-2) sa quarters.
Mainit ang palad ni Bong Quinto nang umiskor ng 18 puntos kabilang ang 12 sa fourth period para pamunuan ang Knights.
Itinarak ni Quinto ang umaatikabong tres para sa 67-57 kalamangan sa pagpasok ng huling dalawang minuto.
Mula dito ay hindi na lumingon pa ang Letran para kubrahin ang panalo.
“I don’t know if it was because of the weather but not only Bong but the entire team did not play well in the first half. Good thing our frontline stepped up in the second half plus the leadership of JP Calvo,” ani Letran mentor Jeff Napa.
Nakakuha naman sina Jerrick Balanza at Christan Fajarito ng tig-11 puntos, samantalang may 10 markers, pitong rebounds, tatlong assists at tatlong steals naman si JP Calvo.
Sa quarterfinals, makakasagupa ng Letran ang top seed sa Group A.
At handa ang bataan ni Napa na harapin sinuman ang makalaban nito.
“The important thing is how we will execute our plays and take this experience to the NCAA,” dagdag ni Napa.
Magandang tinapos ng University of Perpetual Help System Dalta ang kampanya nang gapiin ang Emilio Aguinaldo College, 83-67, para sa 2-7 baraha.
“Right now, we are focusing on our teaching and they have to learn new things. I hope the Perpetual community will be patient as we are trying to build a stronger team,” ani Altas coach Frankie Lim. (CCo)