MANILA, Philippines — Kinuha ng two-time Grand Prix champion Foton si Ateneo de Manila University middle hitter Bea De Leon upang palakasin ang kanilang kampanya sa darating na Philippine Superliga Invitational Conference na magsisimula sa Hunyo 23.
Bukas-palad na tinanggap ng Foton si De Leon na tiyak na magbibigay ng dagdag bangis kasama sina Jaja Santiago at Dindin Santiago-Manabat — ang tinaguriang twin towers ng Philippine volleyball.
“We now have a third tower in our team. We have our twin towers (Santiago sisters) and now we’re introducing her. We have one of the best middle blockers and now she finds a home,” ani Foton team owner Rommel Sytin.
Sabik namang isiniwalat ni De Leon ang pagkakataong makasama ang Santiago sisters sa isang commercial league.
“A big factor in my decision is the current lineup. I see a very big potential with Foton especially playing next to Santiago sisters,” wika ni De Leon.
Dati nang nagkasama sina De Leon at Jaja sa Asian Under-23 Championship na ginanap sa Pilipinas at sa 2017 Southeast Asian Games na idinaos naman sa Singapore.
“Jaja is always been very fun to play with. She’s very humble and very good,” ani De Leon.
Si De Leon ang ikalawang Ateneo player na galing sa UAAP Season 80 ang masisilayan sa aksiyon sa PSL Invitational Conference.
Nauna nang kinuha ng Sta. Lucia Realty si Lady Eagles’ open hitter Jhoana Maraguinot.
Hindi pa isinasara ni De Leon ang pintuan sa posible niyang paglalaro para sa Ateneo sa kanyang huling taon sa UAAP.
Parehong may isang taong playing eligibility pa sa Lady Eagles sina De Leon at Maraguinot, desidido nang iwan ang Ateneo.