Blazers swak sa q’finals

MANILA, Philippines — Pahirapang nakuha ng College of Saint Benilde ang 89-88 overtime win laban sa Colegio de San Juan de Letran para masungkit ang quarterfinals slot sa 12th FilOil Flying V Preseason Cup kahapon sa The Arena sa San Juan City.

Nagsanib-puwersa sina Edward Dixon at Justin Gutang sa huling sandali ng laro para tulungan ang Blazers na makuha ang ikaanim na panalo sa pitong laro.

Ang panalo ang nagdala sa Benilde sa liderato sa Group B kasalo ang Far Eastern University na may parehong 6-1 marka.

“Breaks of the game. It's more of who really wanted it more and I think we had more stops towards the end,” wika ni Blazers mentor Tyrone Tang.

Nakalikom si Dixon ng kabuuang 21 puntos tampok ang krusyal na mga free throws sa extra period kasama pa ang siyam na rebounds at apat na assists habang itinarak naman ni Gutang ang lahat ng kanyang 13 puntos sa huling kanto at overtime.

“He (Gutang) really has a direct impact on the way we play. There's a lot of things that he can do,” wika pa ni Tang.

Nagbigay ng magandang kontribusyon si Senegalese slotman Clement Leutcheu na may double-double na 11 points at 14 boards gayundin si JJ Domingo na nagsumite ng 10 puntos.

Nasayang ang 17 puntos ni JP Calvo para sa Letran gayundin ang pinaghirapan nina Bong Quinto (16), Jerrick Balanza (15) at Larry Muyang (14).

Nahulog ang Knights  (4-3) sa ikaapat bitbit ang 4-3 marka.

Show comments