MANILA, Philippines — Pasok agad sa quarterfinals ang dalawang miyembro ng national boxing team sa 2018 President’s Cup International Boxing Tournament na ginaganap sa Daulet Sports Complex sa Astana, Kazakhstan.
Masuwerteng nakakuha ng bye sina Rogen Ladon sa men’s flyweight (52 kg.) at Ramel Macado sa men’slight flyweight (46-49 kg.) para magaan na umusad sa quarters ng kani-kanilang dibisyon.
Susuntok si Ladon sa quarterfinals kontra sa mananaig kina Al Kuandikov ng Kazakhstan at Tsuboi Tomoya ng Japan habang makakasagupa naman ni Macado si Erzhan Zhomart ng Kazakhstan na nakasiguro rin ng bye.
Unang sasalang para sa Pilipinas sina 2014 Incheon Asian Games silver medallist Charly Suarez at Caroline Calungsod sa torneong lalahukan ng 15 bansa.
Makakalaban ni Suarez sa first round si Hursand Imankuliyev ng Turkmenistan sa men’s lightweight (60 kg.) samantalang susuntok si Calungsod kontra kay Jitpong Jutamas ng Thailand sa opening round ng women’s 57 kg.
Humirit din ng opening bye si 2017 SEAG champion Marvin John Tupas kung saan lalarga ito sa second round sa mananalo kina Nurmagambet Bi ng Kazakhstan at Chen Daxiang ng China.