MANILA, Philippines — Magarbong sinimulan ng paboritong Marinerong Pilipino ang kampanya nito matapos payukuin ang AMA Online Education, 95-83 kahapon sa PBA D-League Foundation Cup sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.
Nagpasiklab agad si Jorey Napoles nang kumana ito ng 25 points, 15 rebounds at limang blocks para manduhan ang balanseng atake ng Skippers.
Nakatulong ni Napoles sa matikas na kamada ng Marinerong Pilipino sina Trevis Jackson na bumanat ng 13 points, tatlong boards at tatlong assists at Franky Jackson na naglista naman ng 13 markers.
Malaki ang pagbabago sa lineup ni Marinerong Pilipino head coach Koy Banal dahil sa pagpasok ng ilang TIP Engineers sa tropa.
Subalit hindi ito naging malaking problema para sa Skippers dahil agad na nakasabay sa sistema ang mga bagong manlalaro kasama sina Jackson, Javi Gomez de Liaño at Robbie Manalang.
“Hindi na masyadong nahirapan yung players mag-adjust. They know each other and although they are young, what we have is a solid team,” ani Banal.
Angat na angat ang laro ng Skippers nang dominahin nito ang shaded area tangan ang 73 rebounds laban sa 43 lang ng Titans.
Mayroon din itong 21 offensive boards para makakuha ng 30 second-chance points.
Agad na inilatag ng Marinerong Pilipino ang 49-30 kalamangan sa halftime na napaangat pa nito sa 21 puntos sa ikatlong kanto para tuluyang pulbusin ang Titans.
Sa ikalawang laro, pinayuko ng Go for Gold ang Batangas, 88-75 para saluhan ang Marinerong Pilipino sa unahan ng standings.
Bida si James Martinez na may 18 puntos samantalang nagdagdag sina Ron Dennison at Gab Banal ng pinagsamang 19 puntos para sa Scratchers. (CCo)