Laro Ngayon (The Arena)
10 a.m. UE vs Perpetual
12:30 p.m. Ateneo vs EAC
2:15 p.m. FEU vs SSC
4:30 p.m. Gilas vs Mapua
6:30 p.m. SBC vs La Salle
MANILA, Philippines — Target ng UAAP champion Ateneo, La Salle at Far Eastern University na masikwat ang kani-kanilang puwesto sa quarterfinals sa pakikipagtipan sa magkakaibang karibal ngayong araw sa pagpapatuloy ng 2018 FilOil Flying V Preseason Cup sa The Arena sa San Juan City.
Makakasagupa ng Ateneo ang Emilio Aguinaldo College sa alas-12:30 ng tanghali habang haharapin ng La Salle ang reigning NCAA champion San Beda University sa alas-6:30 ng gabi.
Nakatakda naman ang pakikipagtuos ng FEU sa San Sebastian College-Recoletos sa alas-2:15 ng hapon na susundan ng duwelo ng Gilas Pilipinas at Mapua University sa alas-4:30.
Magkasalo ang Blue Eagles at Green Archers sa liderato sa Group A hawak ang parehong 6-0 baraha.
Galing sa dalawang impresibong panalo ang Ateneo kung saan inilampaso nito ang University of Perpetual Help System Dalta (83-59) at National University (94-60) kaya’t nag-uumapaw ang kumpiyansa ng Katipunan-based squad.
Sa kabilang banda, daraan sa pagsubok ang La Salle dahil naghahabol ang San Beda na makalikom ng mga panalo para mapaganda ang kanilang 2-2 baraha.
Nagngingitngit din ang Red Lions sa masaklap na 54-56 kabiguan sa University of the Philippines noong Biyernes.
Puntirya naman ng FEU na masolo ang liderato kalakip ang pagsikwat ng unang silya sa quarters sa Group B.