Generals sumuko sa Fighting Maroons

MANILA, Philippines — Pinasuko ng University of the Philippines  ang Emilio Aguinaldo College, 83-70 upang hablutin ang kanilang ikaapat na sunod na panalo sa 12th FilOil Flying V Preseason Cup sa The Arena sa San Juan City.

Nagrehistro si Javi Gomez De Liaño ng 21 puntos habang nagdagdag naman si Paul Desiderio ng 16 mar­kers para sa Fighting Maroons na umangat sa 4-3 baraha.

“I was really glad with the way we played during the first half. Sadly, we were not able to do it in the third quarter and half of the fourth when EAC made a run,” wika ni UP head coach Bo Perasol.

“I just told them to settle down because we know that we could beat EAC. We made sure that we execute what we have to do and not panic,” aniya.

Nagdagdag sina Will Gozum at Jun Manzo ng tig-12 puntos para sa UP na nakakuha ng 44-21 kalamangan sa pagtatapos ng first half.

Nagawang maibaba ng Generals ang bentahe ng Fighting Maroons sa 59-70 nang pasabugin nito ang 11-0 bomba sa huling kanto.

Subalit agad namang sumaklolo sina Desiderio at Gozum para pigilan ang atakeng inilunsad ng Generals.

Nanguna para sa Generals si JP Maguliano na may double-double na 15 points at 10 rebounds katuwang si Rustan Bugarin na may 12 markers.

Gayunpaman, hindi ito sapat  para dalhin ang Gene­rals (0-5) sa unang panalo.

Sa juniors, nanaig ang Mapua-Malayan High School sa San Beda University, 74-70 para makuha ang kanilang unang panalo.

Nagtala si Clint Escamis ng 18 points, limang steals, tatlong rebounds at tatlong assists samantalang nag-ambag si Grant Dennison ng 10 markers at pitong boards para sa Red Robins.

Nasayang ang 18 puntos na produksiyon ni Rhayyan Amsali para sa Red Cubs gayundin ang pinagsamang 26 puntos nina Kai Oliva at Jade Talampas.

Show comments