MANILA, Philippines — Magarbong tinapos ng Pinoy boxers ang kanilang kampanya matapos sumuntok ng tatlong ginto, isang pilak at isang tansong medalya sa 2018 Konstantin Korotkov International Memorial Boxing Tournament na ginanap sa Khabarovsk, Russia.
Bumandera sa matikas na atake ng Pilipinas sina Southeast Asian Games champion Eumir Felix Marcial (men’s middleweight - 75 kg.), Carlo Paalam (men’s light flyweight - 46-49 kg.) at Women’s World Championship silver medalist Nesthy Petecio (women’s 57 kg. category) na nakaginto sa kani-kanilang dibisyon.
Ipinagpatuloy ni Marcial ang magandang ratsada nang pataubin nito si Arman Darchinyan ng Armenia sa kanilang gold-medal match sa bisa ng 5-0 unanimous decision win.
Galing si Marcial sa second-round technical knockout win laban kay Dmitriy Nesteroiv ng Russia sa semifinals.
Maningning din si Paalam na nanalo kay Shin Jonghun ng South Korea sa pamamagitan din ng 5-0 unanimous decision victory sa torneong may basbas ng International Boxing Association.
Sumalo sa selebrasyon si Petecio makaraang dominahin nito si Li Ok Byol ng North Korea sa championship round kung saan nakuha ng Pinay boxer ang boto ng lahat ng limang hurado para sa 5-0 unanimous decision win.