Ancajas ganado vs Sultan
Los Angeles, California - Mas ganado si IBF superflyweight champion Jerwin Ancajas sa kanyang laban kay Jonas Sultan.
Para sa 26-anyos na kampeon, motibasyon sa kanyang paghahanda ang malamang pursigido ang kanyang challenger na talunin siya.
“Ginawa kong motivation ‘yung mga sinasabi niya sa interview gaya nung knockout, yung weakness, nakikita ko talaga na confident siya, kaya ginaganahan ako sa labang ito, parang natsa-challenge ako, kaya nagpakundisyon talaga ako,” ani Ancajas matapos mag-ensayo kagabi sa gym ng tinutuluyang Homewood Suites sa Redondo Beach, Ca.
Nakatakdang magsagupa ang dalawa sa Mayo 26 sa Selland Arena sa Fresno, kung saan itataya ni Ancajas sa ikalimang pagkakataon ang IBF belt.
Sa panayam kay Sultan kamakailan, nabanggit nitong bagama’t mas mataas ng bahagya sa kanya ang kampeon, bentahe naman niya ang pagiging magalaw sa laban.
“Ewan ko lang kung nagbago sila ng strategy, ewan ko kung nagpokus sila sa speed, kasi sa mga nakita kong laban niya, mejo mabagal siya at kita ung suntok, pero, hindi rin ako magkumpiyansa, baka nga nagbago siya ng strategy talaga,” wika ni Ancajas (29-1-1, 20 KOs).
Inaasahan din ni Ancajas na magiging agresibo si Sultan (14-3, 9KOs) sa kanilang laban, lalo na’t challenger ang huli.
“Siguro magiging agresibo siya, kasi ‘yun nga, challenger siya, kailangan niya maging agresibo, may mga nababasa rin ako na sinasabi nila na magiging agresibo siya sa laban, kaya pinaghandaan din namin kung ano ung gawin niya sa ring,” dagdag pa ni Ancajas.
Kung may ayaw mangyari si Ancajas, ito ay ang maging close ang laban.
“Wala po akong masabi kung ‘yun po ang pananaw niya na maging close ang fight, basta po ita-try ko ang best na maging convincing ang panalo ko, para hindi masabing close ang laban,” aniya pa.
- Latest