MANILA, Philippines — Gagawin ni import Vernon Macklin ang kanyang farewell game para sa Magnolia habang papalitan naman ng TNT Katropa si reinforcement Jeremy Tyler.
Target ang kanilang ikatlong sunod na panalo, lalabanan ng Hotshots ang Meralco Bolts ngayong alas-7 ng gabi matapos ang bakbakan ng Tropang Texters at Blackwater Elite sa alas-4:30 ng hapon sa 2018 PBA Commissioner’s Cup sa Smart Araneta Coliseum.
Ito ang magiging huling laro ng 6-foot-9 na si Macklin, dating import ng Barangay Ginebra, para sa Magnolia matapos tanggapin ang isang guaranteed contract sa National Basketball League sa China.
Kaya naman tatlong pangalan ang pinagpipilian ng Hotshots bilang kapalit ni Macklin, kumolekta ng 18 points at 8 rebounds sa 126-101 paggupo sa Columbian Dyip noong Miyerkules.
Ang mga ito ay sina NBA veterans Yancy Gates, Samuel Samardo at Sam Muldrow.
“May mga game pa sila. Iyong iba naman tapos na pero wala pang confirmation na makakalaro sa amin,” wika ni Victolero.
Hangad naman ng Meralco, may 3-1 record at sumasakay din sa two-game winning run, na makasosyo sa liderato ang Rain or Shine na nagdadala ng 4-1 baraha.
Samantala, isang temporary import naman ang inaasahang ipaparada ng TNT Katropa matapos sibakin si Tyler, nagtala ng 16 points at 11 boards sa 100-110 kabiguan sa Alaska.
Hinihintay pa ng Tropang Texters ang pagdating ng dati nilang import na si Joshua Smith, naglalaro pa para sa Kyoto Hannaryz sa Japanese league.