2018 World Cup Of Pool
MANILA, Philippines — Sasarguhin nina Carlo Biado at Jeffrey De Luna ang puwesto sa quarterfinals sa paglarga ng second round ngayong hapon sa 2018 World Cup of Pool sa Luwan Arena sa Shanghai, China.
Titipanin nina Biado at De Luna sina Imran Majid at Mark Gray ng England sa alas-2:30 ng hapon habang papalo rin ang salpukan nina Ralf Souquet at Joshua Filler ng Germany at Dejing Kong at Ming Wang ng China-B sa alas-1:30.
Masisilayan din ang engkuwentro nina Chang Jung-Lin at Cheng Yu-Hsuan ng Chinese-Taipei at Alexander Kazakis at Nick Malaj ng Greece sa alas-3:30 sa torneong may basbas ng World Pool-Billiard Association at naglaan ng $250,000 kabuuang premyo kabilang ang $60,000 para sa kampeon at $30,000 naman sa runner-up.
Umabante sa second round sina Biado at De Luna matapos patalsikin sina Matt Edwards at Marco Teutscher ng New Zealand, 7-3 sa opening round noong Miyerkules habang nanaig naman sina Majid at Gray kina Ryu Seung Woo at Jeong Young-Hwa ng South Korea, 7-2 sa hiwalay na first-round game.
Aminado sina Majid at Gray na matinding laban ang kanilang haharapin dahil alam ng dalawa ang kalidad ng laro ng matitikas na Pinoy cue masters.
Nakatakda rin ang duwelo nina defending champions Mario He at Albin Ouschan ng Austria at nina Mateusz Sniegocki at Wiktor Zielinski ng Poland gayundin ang duwelo nina Niels Feijen at Marc Bijsterbosch ng Netherlands at nina Jayson Shaw at Scott Gillespie ng Scotland.