Biado, De Luna pasok sa Last 16

MANILA, Philippines — Pasok sina reigning World 9-Ball champion Carlo Biado at Jeffrey De Luna sa Round-of-16 ng prestihiyosong 2018 World Cup of Pool na ginaganap sa Luwan Arena sa Shanghai, China.

Matikas na inilampaso ng fourth seeds na sina Biado at De Luna sina Matt Edwards at Marco Teutscher ng New Zealand sa bisa ng 7-3 demolisyon sa opening round kahapon.

Hindi na pinaporma pa nina Biado at De Luna ang kanilang karibal nang agad itong magtala ng 5-1 kalamangan para masiguro ang kanilang tiket sa second round ng torneong may basbas ng World Pool-Billiard Association at naglaan ng $250,000 kabuuang premyo kabilang ang $60,000 para sa kampeon at $30,000 naman sa runner-up.

Sunod na makakasagupa nina Biado at De Luna ang magwawagi sa pagitan nina Imran Majid at Mark Gray ng England at Ryu Seung Woo at Jeong Young-Hwa ng South Korea.

Mainit ding sinimulan nina top picks at defending champions Mario He at Albin Ouschan ng Austria ang kampanya nito matapos igupo sina Alejandro Carvajal at Enrique Rojas ng Chile, 7-3, gayundin sina Ralf Souquet at Joshua Filler ng Germany na blinangko sina Arun Arun at Feri Satriyadi ng Indonesia, 7-0.

Namayani rin sina Mateusz Sniegocki at Wiktor Zielinski ng Poland kina Bader Al Awadhi at Mohammad Al Khashawi ng Kuwait (7-4); Niels Feijen at Marc Bijsterbosch ng Netherlands kina Nitiwat Kanjanasri at Tanut Makkamontree ng Thailand (7-5) at Jayson Shaw at Scott Gillespie ng Scotland kina Jason Klatt at Alex Pagulayan ng Canada (7-3).

Show comments