BOSTON -- Nagtala si Jaylen Brown ng 23 points at 8 rebounds habang nagdagdag si Marcus Morris ng 21 points at 10 boards para pangunahan ang Celtics sa 108-83 paglampaso sa Cleveland Cavaliers sa Game One ng kanilang Eastern Conference Finals.
Kaagad nagposte ang Boston ng 21-point lead sa first quarter para kontrolin ang Cleveland.
“We are just going to try to make it as tough for him as we can,” sabi ni Terry Rozier. “The other guys, obviously, (Kevin) Love and J.R. Smith, we don’t want to give them open looks. ... That has been a big emphasis the last couple of days. We did a good job of that and we just have to keep it up.”
Kumolekta si Al Horford ng 20 points para sa Celtics, kumamada ng 17 sunod na puntos sa first quarter at hindi hinayaan ang Cavaliers na makalapit sa single digit.
Ikinasa ng Boston ang 28-advantage nang iupo ni Cleveland coach Tyronn Lue si LeBron James sa 7:09 minuto ng fourth period.
Nakatakda ang Game Two sa Miyerkules (Manila time) sa Boston.
Naglista si Kevin Love ng 17 points at 8 rebounds, samantalang tumapos si James na may 15 points, 9 assists at 7 boards.
Naimintis ng Cavaliers ang una nilang 14 tangka sa three-point line at itinala ng Celtics ang 61-35 kalamangan sa first half.
Isang taon matapos isuko ang unang dalawang laro sa kanilang tahanan laban sa Cleveland, dinepensahan ng Boston si James.
Nagtangkang bumangon ang Cavaliers sa pagsisimula ng third quarter sa 64-78 paglapit, ngunit muling kumawala ang Celtics para iposte ang 96-68 abante sa 7:09 minuto ng final canto.