MANILA, Philippines — Bago pa ang kanilang paghaharap ay inamin ni TNT Katropa head coach Nash Racela na ang Alaska ang isa sa pinakamalakas na koponan ngayon sa 2018 PBA Commissioner’s Cup.
At pinatunayan ito ng Aces matapos talunin ang Tropang Texters, 110-100 tampok ang career-high na 29 points at 12 rebounds ni Vic Manuel para ilista ang kanilang ikatlong panalo kahapon sa Ynares Center sa Antipolo City.
Ang panalo ng Alaska ang lumikha ng four-way tie para sa liderato sa magkakatulad nilang 3-1 baraha ng TNT Katropa, Rain or Shine at Meralco.
“Ginagawa ko lang talaga ‘yung best ko, kung ano ‘yung maitutulong ko sa team,” sabi ni Manuel, tumipa ng 12-of-18 fieldgoal shooting, para sa pangatlong sunod na arangkada ng tropa ni head coach Alex Compton.
Nagdagdag si import Antonio Campbell ng 23 points kasunod ang 10 at 9 markers nina JVee Casio at Calvin Abueva, ayon sa pagkakasunod.
Kaagad kinuha ng Aces ang 10-point lead, 28-18 laban sa Tropang Texters sa first period bago ito palobohin sa 18-point advantage, 59-41 mula sa dalawang free throws ni Manuel sa huling 14.5 segundo ng second quarter.
Pinalaki pa ito ng Alaska sa 62-43 galing sa three-point shot ni Kevin Racal sa pagsisimula ng third period na kanilang tinapos bitbit ang 85-67 kalamangan.
Napababa lamang ito ng Katropa sa 100-110 mula sa triple ni Jericho Cruz sa huling 126 segundo ng final canto.