NLEX itinakas ni Moultrie sa OT
MANILA, Philippines — Sa ikaapat na laro ay naitala ng NLEX ang kanilang unang panalo sa 2018 PBA Commissioner’s Cup.
Nangailangan pa ang Road Warriors ng five-minute extra period para paluhurin ang Phoenix Fuel Masters, 120-115 kahapon sa Alonte Sports Arena & Cultural Center sa Biñan, Laguna.
Humakot si import Arnett Moultrie ng 37 points, 17 rebounds, 8 assists at 4 blocks para tulungan ang NLEX na itindig ang 1-3 baraha.
“Basically to be aggressive from start to finish and just try to help my in any way possible so we can get our first win,” wika ni Moultrie, kumolekta ng 21 points sa first half.
Nadiskaril naman ang hangad na back-to-back win ng Phoenix, nakahugot kay Matthew Wright ng 31 points at nahulog sa 2-2 baraha.
Matapos kunin ang 28-25 abante sa first period ay ipinoste ng Road Warriors ang 19-point lead, 51-32 sa 5:14 minuto ng second quarter hanggang makatabla ang Fuel Masters sa 102-102 mula sa three-point shot at layup ni rookie forward Jason Perkins sa huling 41.4 segundo ng final canto.
Ang follow-up ni import James White sa nalalabing 5.1 segundo ang naghatid sa Phoenix sa overtime, 104-104.
Sa extension ay sumandal ang NLEX kina Alex Mallari at Larry Fonacier, ang triple ang nagbigay sa kanila ng 118-110 bentahe sa natitirang 58.7 segundo.
Nagdagdag si JR Quiñahan ng 16 points para sa Road Warriors kasunod ang 13 at 11 markers nina Mallari at Fonacier, ayon sa pagkakasunod.
- Latest